'No permit, no exam' sa kolehiyo bawal na!
MANILA, Philippines - Bawal na sa mga guro o eskuwelahan na magpalabas ng isang estudyante sa klase sa oras ng eksaminasyon dahil sa pinaiiral na ‘no permit, no exam’ policy’ ng mga pribadong paaralan.
Pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kongreso ang panukalang “no permit-no-exam” policy sa mga tertiary schools kabilang dito ang mga technical vocational schools.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga eskuwelahan at guro ay maaring pagmultahin sa sandaling tanggihan nila ang mga estudyante na kumuha ng mid-term at final examinations dahil sa kabiguan nilang magbayad ng tuition at iba pang bayarin sa paaralan.
Sinabi ni Kabataan party list Rep. Raymond Palatino, layunin nito na maalis ang suliranin ng mga estudyante na nabibigyan ng incompelete grades at nagdurusa dahil sa kahihiyan bunsod sa hindi pagpayag ng mga guro na makakuha sila ng mid-term at final examinations dahil sa mga bayarin.
Paliwanag ni Palatino sa sandaling maisabatas ang panukala ay mawawalan ng alalahanin ang mga estudyante at makakatutok na sila sa pagre-review ng mga eksaminasyon sa halip na maubos ang oras nila para maghagilap ng pambayad sa kanilang matrikula.
Pinapayagan naman ng “no permit no exam” policy ang pagbibigay ng interest rate sa mga paaralan ng hindi hihigit sa anim na porsiyento sa tuition at iba pang bayarin ng estudyante at may karapatan din silang ipitin ang grado ng mga estudyante hanggang sa makabayad sila.
Pagmumultahin ng mula P20,000 hanggang P50,000 ang sinumang lalabag sa nasabing batas. (Butch Quejada/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending