MANILA, Philippines - Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara upang mapigil ang talamak na operasyon ng mga carnapping syndicates na bumibili sa insurance companies ng mga rehistro ng sira-sirang sasakyan na sangkot sa aksidente.
Sinabi ni Southern Leyte Rep. Roger Mercado, chairman ng House Committee on Transportation na panahon na upang pigilan ang operasyon ng ilang insurance company at carnapping syndicates.
Giit ng mambabatas, pinagkakakitaan ng malaking halaga ng pera ang ilang tiwaling insurance groups ang mga sasakyang nasangkot sa aksidente sa lansangan sa pamamagitan umano ng pagbebenta ng rehistro sa mga sindikato ng carnapping.
Base sa House Bill 4926, nais nitong ipakansela ang registration ng isang sasakyang “totally wrecked“ na sakop ng insurance policy dahil natutunan na umano ng mga sindikato ng carnapping ang naturang sistema upang maitago at legal na mairehistro ang mga carnap na sasakyan.
“This scheme is giving the authorities a hard time apprehending stolen vehicles due to the fact that the legitimate registration of totally wrecked cars covers up the spurious registration of stolen vehicles,” ayon pa kay Mercado.
Sakaling maging batas ay mahaharap ang sinumang insurance company na magrerehistro ng sasakyang carnap mula sa rehistro ng naaksidenteng sasakyan ng multang aabot sa P200,000.