MANILA, Philippines - Umabot na sa 1,305 katao na naninigarilyo sa mga pampublikong lugar ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) sa Caloocan City.
Sa rekord na isinumite ng RDPSTM kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, simula noong Hulyo 1 ng taong kasalukuyan ay umabot na sa 1,305 ang naaaresto ng dalawang ahensiya na karamihan ay sa LRT Monumento Station kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo dahil na rin sa dami ng mga taong dumadaan dito.
Ayon kay Echiverri, bukod sa mga pampublikong lugar ay mahigpit ding ipinatutupad ang “smoking ban” sa loob at paligid ng city hall at sinumang makikitang maninigarilyo ay agad na ililista ang pangalan para sa kaukulang parusa.