MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pag-rebisa sa naganap na imbestigasyon ng Kamara sa umano’y switching ng election returns noong 2005.
Sinabi ni Belmonte na inatasan na niya si House secretary Marilyn Yap na kunin ang records at anumang ebidensya na naiprisinta ng isagawa ang pagsisiyasat.
Inatasan na rin ng House Speaker ang security ng Kamara na magsagawa ng masusing ebalwasyon sa lahat ng kanilang miyembro upang malaman ang loyalty ng mga ito.
Nauna nang ibinulgar ni Justice Secretary Leila de Lima na may naganap na ‘break-in’ sa House of Representatives, sa Batasang Pambansa Complex, upang ipagpalit ang mga ER at masabing nanalo talaga si Ginang Arroyo laban kay Fernando Poe. Jr noong 2004 presidential polls
Giit naman ni House Majority leader Neptali Gonzales na hindi na sila makikialam at wala ng balak magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang pamunuan ng Kamara sa umanoy naganap na dayaan noong 2004 elections.
Katwiran ni Gonzales, wala namang idinawit na sinumang personnel ng Kamara at ang umano’y naganap na pandaraya ay maituturing na police operations dahil lahat ng idinadawit sa kaso ay miyembro ng pambansang pulisya kahit pa ang mismong contingent ng security dito ay kabilang sa PNP Special Action Force.
Kung may madadawit man umanong empleado ng Kamara, hindi na kailangang mag-convene pa ang isang komite para magsiyasat dahil maari namang patawan ng disciplinary action at kasuhan ng administratibo ng House secretariat ang sinumang civilian employee na nakipagsabwatan at nagkasala sa batas.
Ang magagawa na lamang umano ng Kamara ay tiyakin na malinis at may integridad ang sinumang itatalagang security sa canvassing sa 2016 elections para hindi na maulit ang pandaraya.