Road accident pang-3 sa dahilan ng kamatayan ng mga tao sa mundo
MANILA, Philippines - Isang araw matapos tumilapon sa mahigit na 30 feet na Skyway sa Sucat, Parañaque ang isang Dimple Star Bus kung saan nasawi ang tatlo sa pitong sakay nito, ipinaalala kahapon ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang kahalagahan ng pagpasa ng panukalang batas kaugnay sa “road safety” lalo pa’t pangatlo na ang road traffic accident sa sanhi ng kamatayan ng mga tao sa mundo.
Ayon kay Revilla, dapat paigtingin ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito kaugnay sa road safety sa gitna ng babala ng World Health Organization (WHO) na ang “road crashes” o aksidente sa lansangan ang magiging pangunahing dahilan ng maagang pagkamatay at pagkabalda ng mga batang may edad limang taon pataas.
Sa Senate Bill No. 24 na inihain ni Revilla, nais nitong ipako sa 80 km per hour ang pinakamabilis na takbo ng mga kotse at motorsiklo sa tinatawag na “open road” o expressway na walang blind corner samantalang 50 km per hour naman para sa mga trucks at buses.
Ipapako naman sa maximum na 40 km per hour ang takbo ng mga kotse at motorsiklo sa mga “through streets” o boulevards, habang 30 km. per hour sa mga trucks at buses.
Samantala, 30 km per hour naman ang itatakdang tulin ng mga kotse sa mga siyudad at munisipalidad na may traffic light pero hindi designated bilang “through streets”.
Hindi naman papayagan magpatakbo ng mas mabilis sa 20 km. per hour sa mga matataong lugar.
Noong Marso 2, 2010 ipinasa ng UN General Assembly ang isang resolusyon na nagpo-proklama sa taong 2011 hanggang 2020 bilang “Decade of Action for Road Safety” na naglalayong mabawasan ang bilang ng mga namamatay dahil sa aksidente sa lansangan.
- Latest
- Trending