MANILA, Philippines - Nabisto ang ginawang paninira ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Manuel “Manoling” Morato sa mga senatorial candidates ng oposisyon sa video clip na iprinisinta ni Sen. Franklin Drilon bilang ebidensiya na ginamit ng una ang pera ng ahensiya sa pangangampanya para sa mga kandidato ng administrasyon noong nakaraang eleksiyon.
Ipinakita ni Drilon sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagwawaldas ng pondo ng PCSO noong nakaraang administrasyon ang isang episode ng programang “Dial M” ni Morato kung saan tahasang ipinapangampanya nito ang natalong presidential candidate na si Gilbert “Gibo” Teodoro at mga senatorial candidates ng administrasyon.
Sinabi ni Drilon na nais lamang niyang ipakita ang “extent” ng ginawang pagwawaldas ng pondo ng PCSO na nagamit rin sa pangangampanya.
“You are the member of the board who approved a resolution for airing Dial M, your program over NBN Channel 4 to be replayed on IBC 13, using public funds and yet you are campaigning for a candidate,” sabi ni Drilon.
Sa nasabing video, tinawag pa ni Morato na sinungaling ang chairman ngayon ng Blue Ribbon Committee na si Sen. Teofisto Guingona.
Sinabi pa ni Morato na hindi edukado ang mga kandidatong kalaban noon ng mga kandidato ng administrasyon gaya ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na nagtatapon pa daw ng papeles sa Kongreso.