MANILA, Philippines - Inaalam na ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may Pinoy na kabilang sa mga naging biktima nang magbanggaan ang dalawang bullet train hanggang sa mahulog ang dalawang carriages nito sanhi ng pagkasawi ng may 35 katao at pagkasugat ng daang iba pa sa eastern China, kamakalawa.
Base sa report na nakarating sa DFA, dakong alas-8:30 ng gabi, oras sa China, habang mabilis na tinatahak ng isang high-speed train ang kahabaan ng Wenzhou city mula sa Zhejiang, ang provincial capital ng Hangzhou nang bumangga sa isa pang nadiskaril na tren.
Ang insidente ay naganap sa isang tulay sa Wenzhou matapos na ang unang tren ay mawalan ng power bunga ng biglang lightning strike o pagkislap sa riles hanggang sa ang sumusunod na tren ay sumalpok dito.
Umaabot naman sa 200 katao ang iniulat na nasugatan at ginagamot sa iba’t ibang ospital bunsod sa insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Chinese authorities sa insidente.