MANILA, Philippines - Mariing hiniling ng tatlong Negros Oriental provincial board member kay DILG Secretary Jesse Robredo ang agarang imbestigahan sa kapwa nila ‘bokal’ na umano’y financier at nagpapatakbo ng illegal na sugal na “Suertres” sa dalawang distrito ng lalawigan.
Ayon sa 3 ‘Bokal’ na pansamantalang tumangging magpabanggit ng pangalan, tila bulag at bingi ang mga opisyal ng PNP sa lantarang ilegal na pasugalan sa kanilang lalawigan.
“Talamak na ang operasyon ng ‘Suertres’ sa Negros at nagbubulag-bulagan na lang ang mga pulis sa Visayas dahil sa milyon pisong payola kada-buwan,” ayon sa tatlong Board Member.
Batay sa impormasyon, sa legal na bolahan ng ‘Suertres’ ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kinukuha ang mga lumalabas na numero araw-araw.
Noon lamang nakaraang linggo, dalawang mayor na ang sumulat na kay Robredo tungkol sa illegal na operasyon ng ‘Suertres’.
Nauna rito, ibinulgar ng isang broadcaster sa Dumaguete City ang ‘payola at protection racket’ sa illegal bookies milyon kada-buwan na napupunta sa tiwaling mga opisyal ng PNP.