Pichay kinasuhan ng BIR
MANILA, Philippines - Kinasuhan kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion sa Department of Justice si Local Water Utilities Administration (LWUA) Chairman Prospero Pichay dahil sa kabiguan na magbayad ng buwis para sa taxable year 2009 na paglabag sa Sec. 254 at Sec. 255 ng Tax Code of 1997.
Si Pichay na residente ng Marikina Green Heights Subd., Bldg. A, Unit 16, Marikina City ay naging director ng LWUA Consult, Inc. at Express Savings Bank, Inc.
Sa nakalap na impormasyon ng BIR, si Pichay ay nagkaroon ng real, personal at iba pang ari-arian noong 2009 na may milyong pisong halaga, na sobrang maliit sa naisumite nitong Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) na nai-file nito bilang empleyado ng gobyerno noong 2008 at 2009 na may halagang P58.5 milyon.
Ang paglaki ng net worth noong 2009 ni Pichay ay nakita nang magkaroon ito ng isang lot sa Las Piñas, residential house sa Marikina, Malayan Units, motor vehicles at isang eroplano bukod pa sa pagkakaroon ng malaking halaga ng salapi.
Kahit na palagiang naaabisuhan si Pichay sa pagpa-file ng anumang annual Income Tax Return (ITR) at magbayad ng utang sa buwis na halagang P32.73 milyon nong 2009 ay patuloy nitong iniisnab ang abiso ng BIR kayat napilitan na ang ahensiya na kasuhan ito ng tax evasion.
- Latest
- Trending