Dela Paz pinapaaresto na ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Pinapaaresto na ng Sandiganbayan 5th Division si dating Philippine National Police (PNP) Director for Comptrollership Eliseo dela Paz dahil sa Euro General issue.
Ayon kay Presiding Justice Roland Jurado, nakakita sila ng sapat na batayan para idiin sa kaso si dela Paz kaya marapat lamang itong arestuhin
Bukod sa dating PNP official, kinasuhan din ang kanyang maybahay na si Maria Fe dela Paz sa pagdadala ng hindi otorisadong dami ng pera.
Sa kasong ito, nilabag ni dela Paz ang circular No. 507 ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagsasaad na ang sinumang magpapasok o magdadala sa Pilipinas ng pera ng ibang bansa na lalabis sa $10,000 at mabibigo na ideklara sa pamamagitan ng sulat ay dapat na maparusahan batay na rin sa nakasaad sa Section 36 ng Republic Act 7653 (New Central Bank Act).
Sinasabing hindi idineklara ng mag-asawang dela Paz ang 105,000 Euro na hawak nila nang lumabas sila ng Pilipinas para dumalo sa 77th Iinterpol General Assembly noong Oktubre 7-11 sa St. Petersburg, Russian.
Kinasuhan din si dela Paz ng paglabag sa Article 237 ng Revised Penal Code dahil sa pagpapahaba sa pagtupad niya sa kanyang tungkulin at kapangyarihan.
- Latest
- Trending