MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng isang negosyante, ang alegasyon na ‘financier’ umano siya ng mga kilabot na robbery holdup groups na Kuratong Baleleng at Alvin Flores Gang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gng. Anita C. Buce, sa pamamagitan ng Chavez Miranda Aseoche Law Office na humahawak sa kaniyang kaso, na ang alegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang press statement ay malisyoso at walang basehan.
Aniya, mapanira ang ulat na lumabas sa ilang pahayagan na sinasabing mismong si NBI Director Magtanggol Gatdula ang nagsabi umanong limang taon nang nagtatago si Buce, 63, negosyante at residente ng Pandacan, Manila.
Ayon sa negosyante, hindi siya nagtatago at katunayan ay siya pa ang personal na nagpapalakad ng kanyang mga negosyo at noong isilbi ang warrant of arrest laban sa kanya ay kusang loob siyang sumama sa mga awrtoridad.
Bago umano isinilbi ng NBI ang mandamyento de aresto laban sa kanya ay maraming beses siyang nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay at ang kanyang anak na babae.
Sinabi ni Buce na ang dalawang kaso ng pagpatay, una kay Carmen de Guzman at kay Gil Manlapaz Sr., na ibinibintang umano sa kanya ay ibinasura na Manila Regional Trial Court at Court of Appeals noong 1989 at 2007.
Pero lingid sa kanyang kaalaman ay muli umanong binuhay ang kanyang kaso at nagpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya para siya ay gipitin.