MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Sen. Francis Escudero na kapag napatunayan sa isasagawang imbestigasyon na nagkaroon ng dayaan sa 2004 elections at lumitaw na si yumaong action star Fernando Poe Jr. ang nanalo at hindi si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay dapat ilagay ang larawan ni FPJ sa Heroes hall ng Malacañang.
Ginawa ni Sen. Escudero ang suhestiyon kahapon dahil ang lahat ng naging pangulo ng bansa ay naka-display sa Heroes hall ng Palasyo.
“Kung mapapatunayang siya (FPJ) ang nanalo kahit ang simpleng symbolic act na lamang ng paglalagay ng kanyang portratit sa heroes hall ng Malacañang kung saan nakalagay ang litrato ng mga nanalo at naging presidente ng bansa,” wika pa ni Escudero kahapon.
Aminado naman ang mambabatas na kahit anong imbestigasyon ang gawin ay hindi na nito mababalewala ang naging termino ni GMA noong 2004 hanggang 2010.
Hindi na rin anya maaalis ang larawan ni GMA sa Palasyo dahil nagsilbi naman itong pangulo mula 2001 hanggang 2004 ng mapatalsik si dating Pangulong Estrada.
Nasawi si FPJ noong Disyembre 2004 ilang buwan matapos ang May 2004 polls kung saan ay sinasabing nadaya ito.
Muling lumutang ang isyu ng dayaan sa 2004 polls sa pagbubunyag ni dating election supervisor Lintang Bedol ng Maguindanao.