'Militar kontroladong Pangulo' - AFP
MANILA, Philippines - Sa kabila ng kontrobersyal na panawagang patalsikin sa kapangyarihan si Pangulong Benigno Aquino III, nanatiling kontrolado ng gobyerno nito ang 135,000 malakas na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang reaksyon kahapon ni AFP Spokesman Commodore Miguel Jose Rodriguez matapos na kumalat sa Facebook, YouTube at iba pang social networking sites nitong Sabado ang sumingaw kamakalawa ng gabi na panawagan ni Marine Colonel Generoso Mariano na ibagsak ang gobyernong Aquino dahil umano sa ‘incompetency’ o kawalan ng kakayahang patakbuhin ang pamahalaan.
Ayon kay Rodriguez, solido ang buong hukbo ng AFP sa administrasyon para pagmulan ito ng panibagong coup de etat lalo na’t marami na ang naipatupad na reporma.
“Tiyak na walang dissatisfaction sa ranks, ngayon pa na maganda na ang suweldo, may pabahay pa, ganap na ang mga reporma. Ganap na nakakakontrol ang Commander-in-Chief,” sabi pa ni Rodriguez.
Sa pahayag naman ni Philippine Navy Spokesman Marine Lt. Col. Omar Tonsay, si Mariano na kasalukuyang restricted to custody ay nakatakdang magretiro bukas (Hulyo 17) pero dahilan sa ‘video call’ nito na pabagsakin ang gobyerno ni PNoy ay maantala muna ito habang isinasailalim ito sa imbestigasyon.
Nabatid na nitong Biyernes ay sinibak na sa puwesto ni Navy Chief Rear Admiral Alexander Pama si Mariano bilang Deputy Chief ng Naval Reserve Command.
- Latest
- Trending