PNoy 'di magso-sorry sa mga Obispo
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Pangulong Aquino na hindi niya kailangang humingi ng paumanhin gaya ng nais ng mga Obispo na nakaladkad sa SUV isyu.
Sinabi ng Pangulo sa media interview, hindi naman ang Palasyo ang nasa likod nito kundi ibinase lamang ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kanilang ginawang ulat sa COA report.
Paliwanag ni Aquino, binubusisi ng kasalukuyang PCSO ang mga dokumento ng nakalipas na administrasyon ng matuklasan nilang may P3 bilyong utang ang ahensiya sa ibat ibang government hospitals na naging dahilan upang tanggihan na ang mga guarantee letters na ibinibigay nila sa mga pasyente.
Sinabi rin ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., na hindi na kailangan pang humingi ng ‘public apology’ si Aquino dahil ang mga ito naman umano ang nanghingi ng mga sasakyan.
Sabi ni Belmonte, ang kahilingan ni Archbishop Jose Collin Bagaforo ng Cotabato ay wala sa ayos dahil sila mismo ang tumanggap ng donasyon galing sa pondo ng PCSO.
Bukod kay Bagaforo humihingi rin ng public apology sina Elenito Galido ng Iligan, Arturo Bastes ng Sorsogon at Dinualdo Gutierrez ng Marbel.
- Latest
- Trending