Uriarte nakapagpapalit ng P102.5M halaga ng tseke
MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng anim na buwan, naka pagpapalit ng kabuuang P102.5 milyong halaga ng tseke mula sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang dating general manager ng ahensiya na si Rosario Uriarte.
Sinabi ni Senator Franklin Drilon sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng PCSO noong panahon ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo, simula noong Enero hanggang Hunyo, 2010, umabot sa P102.5 milyong halaga ng tseke ang napapalitan ni Uriarte.
Pinuna pa ni Drilon na pasok sa election period ang Enero hanggang Hunyo 2010.
Tumanggi naman si Uriarte na ihayag sa komite kung saan niya dinala ang nasabing halaga kung kanino niya ito ibinigay sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang karapatan “against self incrimination” o karapatan na huwag magsalita at ipamahak ang sarili.
Kinuwestiyon din ni Drilon ang biglang pagtaas ng assets ni Uriarte simula 2007 hanggang 2008 ng nasa P4.6 milyon gayong ang sahod lamang nito base sa kaniyang income tax return ay nasa P610,536.
Base sa statement of assets and liabilities and net worth (SALN) ni Uriarte, noong 2007 ang assets nito ay P6,170,000 at bigla itong naging P10,670,000 noong 2008.
Nagtataka si Drilon kung saan nanggaling ang nasa P4.6 milyong pagtaas sa kayamanan ni Uriarte gayong wala namang indikasyon na nangutang ito upang madagdagan ang kayamanan.
- Latest
- Trending