MANILA, Philippines - Kinasuhan ng bagong graft at plunder sa tanggapan ng Ombudsman kahapon ng umaga si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahilan sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong pangulo pa ito ng bansa.
“This does not just involve stealing money. This involves stealing money from the poor,” ayon kina Bayan Muna party-list Reps. Teodoro Casiño at Neri Colmenares.
Ang pagsasampa ng kaso ng naturang mga mambabatas ay nag-ugat nang ibulgar ni dating PCSO general manager Rosario Uriarte na may P325 milyong halaga na nakuha ang Arroyo administration sa pondo ng PCSO bilang intelligence funds mula taong 2008 hanggang 2010.
Sinabi ni Uriarte na si Arroyo mismo ang nag-apruba sa pagpapalabas sa naturang pondo.
Personal namang tinanggap ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro ang kasong naisampa ng naturang mga kongresista.