Manila, Philippines - Nagkaisa kahapon ang local government units na nag-isyu ng permiso sa operations ng Meridian Vista Gaming Corporation na idepensa ang kanilang karapatang tumanggap at magbigay ng lisensiya sa mga investor na nais maglagak ng negosyo o ligal na hanapbuhay sa kani-kanilang lugar.
“Ang gaming operations ng Meridian ay lehitimo at dokumentadong negosyo na magbibigay ng malinis at marangal na hanapbuhay sa maraming residente sa aming probinsiya at ito rin ang nakikita naming magpapatigil sa iligal na jueteng kaya pinahintulutan ito ng aming pamahalaang panlalawigan,” pahayag ni Occ. Mindoro Gov. Alfonso Umali, presidente ng liga ng mga gobernador sa bansa.
Si Umali ay isa sa maraming lider ng mga gobyernong lokal na agarang hihingi ng ayuda sa Mataas na Hukuman upang linawin at pinal na husgahan kung ang betting station ng Meridian ay dapat ba o hindi dapat pahintulutan sa labas ng Cagayan Economic Zone Authority na siyang nag-isyu ng prangkisa ilang taon na ang nakalipas.
Binanggit ni Umali na may nauna nang desisyon ang Court of Appeals na ligal at pinahihintulutan ng batas ang betting stations ng Meridian sa labas ng CEZA na nasasakupan ng northern Luzon. “Kaya nalilito kami sa sabwatan ng DILG at DOJ na itigil ang mga ito nang dahil lamang sa isang legal opinion na kamakailan lamang ipinalabas ni Sec. De Lima,” pahayag ng president ng governor’s league.
Sinabi rin ni Umali na sa labas ng CEZA ay maraming local government units ang nagkaisa at naniwalang pang-kontra sa jueteng ang operations ng Meridian kaya binigyan nila ito ng lisensiya at mga kaukulang permit documents. “Kaya sana ay maghinay-hinay ang mga kagalang-galang na pinuno ng DILG at DOJ sa kanilang utos na patigilin ang Meridian,” dagdag na pahayag ni Umali.
Isang alkalde naman sa lalawigan ng Rizal ang nagpahayag na isang kawalan ng respeto sa batas ang gagawing pagpapatigil nina De Lima at Robredo sa operasyon.