Manila, Philippines - Malaki ang naitulong sa pamahalaan partikular sa pagpapabuti ng serbisyo sa taumbayan sa pagkakapasa sa Government Owned and Controlled Corporation (GOCC ) law.
Sa Programang Pilipinas Natin Pre-Sona sa NBN 4 QC, sinabi ni Finance Secretary Cesar Purisima , dahil sa batas na ito mas higit na napapagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga prioridad hinggil sa kung alin ang bibigyan ng pondo ng pamahalaan para mapaunlad, alin ang maaaring mapakinabangan at alin ang mga lugi na kailangang isama sa bentahan.
Sa ganitong paraan, naitatama ng pamahalaan ang mga kailangang pagkagastusan at hindi dapat pondohan ng pamahalaan.
Sa ngayon, umabot na sa P6 trilyon ang halaga ng assets ng pamahalaan mula sa dating P1 trilyon lamang.
Sinabi ni Purisima na ang magandang pagbabagong ito ay nagpapakita lamang ng good governance na naipatutupad ng pamahalaan para sa sambayanang Pilipino.
Nagpapakita rin anya ito na ang mga Pilipino ay marunong nang magmanage ng kanilang pondo sa pamamagitan ng paglalaan nito sa tamang paraan at tamang pagkakagastusan.
Samantala, sinabi din ni Purisima na dahil sa gumagandang fiscal situation ng bansa ay hindi malayong makatipid ang pamahalaang Aquino ng P18 bilyong pondo dulot naman ng pagtaas ng credit ratings ng bansa sanhi ng patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.