Obispo sa PCSO scandal isusumbong sa Santo Papa

MANILA, Philippines - Hindi nababahala si Novaliches Bishop Teodoro Bacani Jr. kung iparating man ng Gabriela partylist kay Pope Benedict XVI ang Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) scandal kung saan pilit na isinasangkot ang ilang obispo.

Ayon kay Bacani, iginagalang niya ang desisyon ng Gabriela subalit dapat suriin munang mabuti ng mga ito ang sasabihin at balitang ipapara­ting sa Santo Papa dahil may mabuting pangalan ang mga obispo.

Aniya, karapatan ito ng Gabriela subalit dapat na maging malawak din ang kanilang pag-iisip.

Umapela naman kahapon si Senate President Juan Ponce Enrile na huwag husgahan ang mga Obispo at hintayin ang paliwanag ng mga ito.

Naniniwala si Enrile na hindi nagbulsa ng pera ng gobyerno ang mga Obispo dahil hindi naman mga pulitiko o mga negosyante ang mga ito.

Hindi rin anya mababawasan ang “moral ascendancy” ng mga Obispo dahil lamang sa isyu ng mga mamaha­ling sasakyan na sinasabing tinanggap ng ilan sa mga ito.

Paliwanag naman ni Minority Leader at Albay Rep. Edcel Lagman, ang solicitation o pagtanggap ng Catholic bishops ng sasakyan o cash gift mula sa PCSO ay hindi krimen “per se,” kundi morally offensive.

Mayaman na umano ang Simbahang Katoliko para maging isang charity case at may sapat  na mapagkukunan ng pondo para suportahan ang kanilang charity nang hindi na kailangan pang makipag-unahan sa mga nangangailangang pasyente at lehitimong charity beneficiaries.

Giit pa ni Lagman, walang isinasaad sa batas o Revised Penal Code na labag sa batas o nagpapataw ng parusa sa panghihingi at pagtanggap ng Catholic bishops ng sasakyan o cash donations mula sa PCSO.

Pero sa ilalim naman ng Section 8 ng PCSO Charter (R.A. No. 1169, as amended) na ang sinumang opisyal o empleyado ng isang charitable institution na gumamit ng pondo mula sa PCSO para sa personal at hindi alinsunod sa batas ay maaaring makulong ng mula isang buwan hanggang tatlong taon.

Show comments