MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng National Press Club (NPC) ang lumabas na balitang “nawawala” ang pondo nitong P6-Milyon na nakalaan sa proyektong pabahay nito para sa mga miyembro.
Sa pahayag na ipinalabas ni NPC Pres. Jerry Yap, idiniin nitong “intact,” hindi nawawala at “aboveboard” ang desisyon ng pamunuan ng NPC na ilaan ang naturang pondo para sa proyektong murang pabahay para sa mga NPC members.
Kamakailan ay lumabas sa ilang pahayagan na “iniipit” umano ni dating NPC Pres. Benny Antiporda ang pondong P6-M at ayaw umano nitong ibalik sa NPC.
Ayon kay Yap, ang naturang pondo ay sadyang itinago ng pamunuan sa publiko bilang proteksyon laban sa ilang kasong kinapapalooban ng NPC bunsod naman ng tangkang pang-aagaw ng GSIS sa mga pag-aari ng samahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng NPC kaugnay ng lumabas na intriga, nabatid na isang opisyal na nagbabalak umanong tumakbo bilang pangulo sa susunod na NPC elections ang nagpapakalat ng maling impormasyon para hindi matuloy ang proyekto at siraan ang kanyang mga kasamahan sa organisasyon.
Wala rin umanong katotohanan ang napabalitang “sapilitan” na ibinibenta ni Antiporda sa NPC ang lupang pagtatayuan ng housing project sa Pulilan, Bulacan.
Aniya pa, “joint venture” ang proyekto kung saan “no cash out” sa lupang pagtatayuan ng mga bahay ang NPC upang tiyakin na mabibiyayaan ang mas maraming bilang ng mga miyembro nito.
Base sa plano, gagastusin ng NPC ang P6 milyon bilang ‘housing developer’ kung saan aabot sa 45 bahay ang itatayo sa 2,960 sqm. na lupa. Mababayaran lamang si Antiporda kapag nabili na ito ng mga miyembro sa mababang halaga.
Nananawagan din si Yap sa mga kasamahan sa media at mga miyembro ng NPC na huwag patulan ang mga malisyosong impormasyon na pinakakalat ng ilang grupo para sa kanilang sariling ambisyon.
Ani Yap, lahat ng NPC members na interesado sa naturang pabahay ay maari nang magsadya o tumawag sa NPC office para sa karagdagang impormasyon.