Walang Cabinet revamp kahit may 3 'pasaway'

Manila, Philippines - Wala umanong balak si Pangulong Aquino na balasahin ang kanyang Gabinete kahit pa lumutang ang tatlong pangalan na umano’y sakit ng ulo ni PNoy.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang nakaambang Cabinet revamp sa hanay ng sinasabing tatlong “pasaway” na sina Peace Adviser Teresita Deles, Tourism Sec. Albert Lim at Presidential Political Adviser Ronald Llamas.

Wika ni Usec. Valte, kuntento naman ang Pa­ngulo sa naging performance ng mga miyembro ng Gabinete nito sa nakalipas na taon.

Napaulat na nagsisi­mula na raw mag-impake ng kanyang gamit si Sec. Llamas na pinabulaanan naman ng Palasyo.

Magugunita na mismong ang Pangulo ang nagsabi sa media interview na satisfied siya sa naging trabaho ng kanyang Gabinete sa unang taon ng kanyang pa­nunungkulan.

Todo-tanggi rin si Sec. Lim na isa siya sa sinasabing sakit ng ulo ni PNoy.

Aniya, trabaho lamang ang kanyang ginawa sa DOT upang palakasin ang turismo ng bansa.

Inihayag din ng Pa­ngulo na posibleng magkaroon ng balasahan sa liderato ng Bureau of Customs.

Show comments