Manila, Philippines - Nagmistulang boxer si Davao City Mayor Sarah “Inday “ Duterte matapos nitong suntukin ng sunud-sunod ang isang Sheriff nang uminit ang ulo nito sa kaguluhan sa demolisyon sa isang squatter area na ikinasugat ng mga residente at isang pulis sa lungsod, kahapon ng umaga.
Nagtamo ng black eye at mga pasa sa katawan si Abe Andres, Sheriff ng Davao Regional Trial Court (RTC) na nagsilbi ng ‘writ of execution’ upang i-demolish ang tahanan ng mga residente sa Brgy. Kapitan Tomas Monteverde Sr. Suliman, Agdao District ng lungsod.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa lugar bandang alas-10 ng umaga.
Nabatid na humingi si Duterte sa korte ng 2 oras na extension bago ipatupad ang demolisyon upang mabigyan muna ng pagkakataon ang mga tao na lumisan sa kanilang tahanan pero hindi ito pinagbigyan ni Abe sa pagsasabing sa korte lamang siya susunod.
Nang mabatid na nagkakagulo na sa demolition site at marami na ang nasaktan sa batuhan ay nagtungo sa lugar si Duterte at limang beses na pinagsusuntok si Andres habang nagsisigawan naman ang mga tao.
Agad namang inawat si Duterte ng kaniyang mga security escorts habang nagtatakbo na si Andres.
Nasa 500 pamilya na naninirahan sa 217 bahay ang target ng demolition team na wasakin.
“Busy pa tayo sa relief operation, ano ba naman yung 2 hours extension na makaalis muna yung mga tao bago i-demolish,” ayon kay Duterte sa isang television interview.
Handa naman ang lady mayor na harapin ang kahihinatnan ng kaniyang naging aksyon na nag-ugat sa umano’y pang-aapi sa mga residenteng iskwater.