Seguridad kay Aquino kasado na
MANILA, Philippines - Naglatag na ng seguridad ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagdating sa bansa bukas ni dating Police Senior Supt Michael Ray Aquino.
Sinabi ni NBI Director Magtanggol Gatdula, nagtalaga siya ng 50 NBI agents para magbigay ng seguridad kay Aquino sa sandaling lumapag na ang sinasakyang eroplano nito sa NAIA.
Ayon sa ulat, si Aquino ay isasakay sa eroplano ng Philippine Airlines flight PR 103 galing Los Angeles, California at lalapag sa paliparan dakong alas-4 ng madaling araw.
Pinayagan ng US court ang kahilingan ng Philippine government na ma-extradite si Aquino kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.
Nakasuot ng bullet-proof vest ang mga NBI agents na gagamit din ng 12 sasakyan.
Ikukulong pansamantala si Aquino sa NBI detention cell na pinagkulungan kay dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Papayagan din aniya ang visiting hour kay Aquino at maaari siyang dalawin ng kanyang mga abogado ngunit hindi maaaring manatili sa kanyang kuwarto sa loob ng 24 na oras.
Sinisiguro ni Gatdula na ligtas si Aquino sa loob ng NBI kahit na siya ay makihalubilo sa mga kapwa preso.
- Latest
- Trending