Facebook gustong ipaturo sa eskwelahan ng kongresista
MANILA, Philippines - Dahilan sa sunod-sunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga gumagamit ng social network site na facebook, pinamamadali ni Marikina Congressman Miro Quimbo sa Department of Education (DepEd) ang pagsama sa curriculum sa mga pampublikong paaralan ng tamang paggamit ng Facebook, Twitter at iba pang networking sites.
Sinabi ni Quimbo na kailangan ang mga guro ang gumawa ng pag-iingat dahil sa karamihan sa mga magulang ng mga estudyante ay walang aktibong partisipasyon sa interest ng kanilang mga anak sa mga social network activities at ang pinakamalala pa umano dito ay karamihan sa mga magulang partikular na sa mga mula sa mahihirap na pamilya ay walang exposures sa internet.
Kayat paano umano aasahan ang mga magulang na masusubaybayan nila ang kanilang mga anak sa tamang paggamit ng social network sites kung sila mismo ay hindi umano alam kung ano ang internet.
Sa kasalukuyan umano ang Facebook at Twitter ay nagiging daan para maisagawa ang karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay, pagnanakaw na nagsisimula lamang sa isang FB message o twit kayat dapat na bigyan ng kaalaman ang mahigit sa 20 milyon gumagamit ng Facebook at Twitter sa Pilipinas lalo na ang mga kabataan na masyadong aktibo dito.
Base umano sa datos ng AGB Nielsen, ang Pilipinas ang pang lima sa buong mundo na gumagamit ng Facebook.
Paliwanag pa ni Quimbo, hindi pa rin maaring pigilan ang mga kabataan na gumagamit ng makabagong teknolohiya subalit ang kailangan umanong gawin ng gobyerno ay siguruhin na ang bagong communication technology ay nagagamit na mayroong pag-iingat.
Noong nakaraang taon si Quimbo ay naghain ng House Resolution 184 na nagre-regulate ng Facebook at Twitter sa lahat ng tanggapan ng gobyerno habang office hour kayat tinagurian itong “party pooper”.
Giit pa ng kongresista, dapat nang madaliing isama ng DepEd sa curiculum ang topic tungkol sa kaligtasan sa pagamit ng social networking site.
- Latest
- Trending