MANILA, Philippines - Hindi binubuyo ng tropa ng Pilipinas sa ‘shooting war’ ang mga sundalo ng China kaugnay ng pagpapalakas pa ng patrol operations sa pinag-aagawang Spratly Islands sa West Philippine Sea (South China Sea ).
Ito ang ikinatwiran kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr., bilang tugon sa sinabi ni Sen. Juan Ponce Enrile na huwag pag-initin ang Chinese forces upang hindi ito mauwi sa shooting war sa Spratlys.
“We’re not agitating any country, we’re just doing our mandate”, ani Oban sa panayam ng mediamen.
Si Enrile ay nagbabala na isang missile torpedo lang ng China ay mawawasak ang destroyer na Rajah Humabon, ang pinakamalaking warship ng Philippine Navy na noon pang World War II.
Una nang idineploy ng China ang pinakamalaki nitong maritime patrol ship sa Spratly ang Haixun 31 habang ipinadala rin ni Philippine Navy Chief Rear Admiral Alexander Pama ang Rajah Humabon sa lugar upang palakasin pa ang pagpapatrulya kaugnay ng tensiyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Samantalang nagsagawa ng fire drill ang Vietnam sa lugar na tinugon naman ng naval drill ng China na lumikha ng pagkabagabag sa iba pang mga bansang nag-aangkin sa Spratly.
Kabilang sa mga bansang nag-aagawan sa Spratly Islands ay ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan kung saan ang China ang pinakamapangahas at pinakamalakas ang puwersa saka mga armas pandigma sa lugar.
Binigyang diin ng opisyal na hindi naman puwedeng tumanghod na lang ang tropa ng AFP sa Spratly Islands sa gitna na rin ng serye ng intrusyon ng China kung saan nauna ng pinagtatanggal ng Philippine Navy ang mga itinayo ritong marker ng tropa ng nasabing bansa.
Samantala, itinanggi naman ni Oban ang napaulat na deployment ng karagdagang tropa ng AFP para mapalakas pa ang pagpapatrulya sa Spratly Islands sa pagsasabing naghatid lamang ng mga supply ng mga sundalo ang barko ng Philippine Navy na dumaong sa lugar kamakailan.