Pinas 'di naalarma sa bagong lider ng Al Qaeda
MANILA, Philippines - Hindi ikinatinag at mas lalong walang dapat ikaalarma ang pamahalaan sa napaulat na pagluluklok ng bagong lider ng Al Qaeda sa katauhan ni Ayman Al –Zawahiri, ang No. 2 man ng naturang teroristang organisasyon sa buong mundo.
Si Al-Zawahiri ang ipinalit kay Osama bin Laden, ang mastermind sa US terror attack noong Setyembre 11, 2001. Si bin Laden ay napatay ng US commando sa assault operation sa Islamabad, Pakistan noong Mayo.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Defense Spokesman Eduardo Batac na hindi ikinababahala ng pamahalaan ang balita sa successor ni bin Laden.
Sa kabila nito, iginiit ni Batac na dapat maging vigilante ang lahat dahilan ang Pilipinas bilang kilalang kaalyado ng Estados Unidos sa pandaigdigang kampanya kontra terorismo ay hindi malayong matarget rin ng terror attacks.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtugis ng security forces kay Zulkifli Bin Hir alyas Marwan, may $5 M reward, isang Malaysian terrorist na opisyal ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist, ang Southeast Asian terrorist network na naitatag ng Al Qaeda na sinasabing kinakanlong ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Nabatid na ang bagong lider ng Al Qaeda ay may reward na $25 M na sikretong ipinalit kay bin Laden noon pang Mayo 2 pero nitong Huwebes lamang (Hunyo 16) kinumpirma at opisyal na inianunsyo ng Al Qaeda General Command.
Samantalang ang misis nito at tatlo sa kaniyang anim na anak ay napatay sa air strike operation ng US forces sa Afghanistan noong huling bahagi ng 2001 matapos ang terror attacks sa Estados Unidos noong Setyembre 11 ng nasabi ring taon kaya pursigido itong rumesbak sa naturang superpower at maging sa mga bansang kaalyado nito sa pandaigdigang kampanya kontra terorismo kabilang ang Pilipinas.
- Latest
- Trending