133 pulis nadismis, 525 pa pinarusahan
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 133 pulis ang nadismis sa serbisyo habang nasa 525 pa ang pinatawan ng disciplinary actions sa loob ng nakalipas na anim na buwan.
Sa kabila nito, sinabi ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na higit na maliit ang bilang ng mga pulis na nasangkot sa kasong administratibo at kriminal sa taong ito kumpara noong 2010.
Base sa rekord, mula Disyembre 1, 2010 hanggang Mayo 31, 2011, nasa 133 ang nadismis na personnel ng PNP sa mga kasong grave misconduct, serious irregularities at pagkakasangkot sa mga criminal activities.
Kabilang sa mga nadismis ay 119 mula sa Police Regional Offices at 14 mula sa National Support Units.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., lahat ng mga benepisyo ng mga nadismis na personnel ay tatanggalin alinsunod sa patakaran ng PNP.
Nasa 525 namang mga pulis ang pinarusahan ng demosyon sa ranggo, pagkakasuspinde, tinanggalan ng suweldo, na-reprimand, restriction sa quarters at pag-aalis ng mga benepisyo.
- Latest
- Trending