MANILA, Philippines - Idinepensa ng Korte Suprema ang mahigpit na mga panuntunang inilatag nila na dapat sundin ng mga media network para sa live coverage ng paglilitis sa kaso ng Maguindanao massacre.
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesperson at Court Administrator Midas Marquez, pinag-usapan at pinag-isipang mabuti ng mga mahistrado ang naturang mga panuntunan.
Kailangan lang aniya talaga magsakripisyo ng mga media network bilang bahagi na rin ng kanilang responsibilidad na ilahad ang katotohanan sa publiko.
Layon aniya ng mahigpit na kundisyon ng Korte Suprema sa live coverage ng Maguindanao trial na maipakita sa publiko ang isang faithful and complete broadcast para malaman kung paano narating ang anumang magiging desisyon ng hukuman sa kaso.
Batay sa ipinalabas na panuntunan, tanging ang kamera ng Korte Suprema na may live feed para sa media ang papayagan sa loob ng courtroom.
Ipapalabas ang buong proceedings nang walang kahit anong voice over at hindi rin papayagang ulitin ang pag-eere ng anumang audio o video ng pagdinig.
Bawal din ang pagpapasok ng commercial maliban na lamang tuwing may court recess at ipinagbabawal din ang pagsasagawa ng live report habang may hearing maliban sa simula o sa katapusan ng pagdinig.