Common terminal ng MMDA kinontra
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni 1-Utak party list Rep. Homer Mercado ang plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magtayo ng common terminal para sa mga bus na bumibiyahe sa mga lalawigan.
Ayon kay Mercado na bukod sa usaping illegal, malaki ang perwisyong idudulot ng common terminal para sa mga pasaherong manggagaling mula sa mga lalawigan at tutungo dito sa Metro Manila.
Base sa natanggap na mga reklamo ng kongresista, bukod sa matinding abala sa mga pasahero dahil sa mangangahulugan umano ito na magpapalipat lipat ng sasakyan o dodoble pa umano ang magiging gastos ng mga ito sakaling matuloy ang plano ng MMDA para sa isang common terminal.
Nagbabala naman si Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) President Alex Yague na mauwi sa tinatawag na “transport crisis” ang plano ng MMDA.
Paliwanag pa ni Yague, hindi isinaalang-alang ng MMDA ang ilang isyu dahil kumpara sa mga provincial buses, hindi hamak na mas marami ang bilang ng mga AUV express na bumibiyahe mula sa lalawigan at Metro Manila.
Lalabagin din umano ng MMDA ang itinatadhana ng franchise system at ang inaasahang matinding epekto para sa mga pasahero.
Una ng ikinakasa ng MMDA ang pagtatayo ng common terminal sa coastal road at sa Balintawak area sa Quezon City para sa mga bus na mangagaling sa Southern at Northern Luzon.
- Latest
- Trending