Reporma sa PCSO, nagbunga ng pag-asenso - Juico
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margie Juico na ang layunin ng reporma sa ahensya ay upang gawin pang epektibo at malawak ang paglilingkod sa kalusugan at kapakanan ng mga mahihirap.
Ayon kay Juico, dahil sa mga repormang ipinatupad, nagtamo ng banner sales performance sa first quarter ang ahensya. Nakakuha ito ng 12.21% sales growth over the same period last year. Ang growth na ito ay katumbas ng P829,375-M.
Sinabi din ni Juico, dahil sa maingat na paghahawak ng PCSO funds at resources, ang ahensya ay nakaipon ng P688.868-M. Idiniin niya na ang mataas na kita at naipon ay nakakatulong nang malaki sa pagpapalawak pa sa serbisyo ng PCSO.
Tinitiyak ni Juico na tuloy-tuloy pa ang pag-unlad ng ahensya. “Lalu naming pag-iibayuhin ang pagsusumikap para makamit ito at mapagbuti pa ang paglilingkod sa mahihirap.”
Ang loterya ng bayan ay malapit nang magsimula. “Ang STL revenue ay lumago ng P1.4-B o 93.4% kumpara sa first quarter 2010 sales. Tiyak na madadagdagan ang kita ng ahensya galing sa processing fee, authority fee, at presumptive monthly revenue receipts. Sa kaganapang ito, tiyak na lalago pa hanggang 200,000 mula sa 100,000 ang maibibigay na trabaho ng loterya. Ang karagdagang kitang ito ay magpapaibayo pa ng ating serbisyo,” ayon kay Juico.
Ang PCSO ay lumagda ng kasunduan sa East Avenue Medical Center para sa pagtatayo ng Tahan Tahanan Center, isang haven para sa mga batang mahihirap na may kanser. Lumagda rin ito ng kasunduan sa Medical City para sa Pediatric Liver Transplant sa bansa.
Prayoridad din ng ahensya ang pagbibigay ng ambulansya sa 4th, 5th at 6th class municipalities sa ilalim ng 100% Ambulance Donation Program. Sa mga susunod na buwan, binabalak din na mag-donate ng ambulance unit sa malalayong isla para sa emergency na pangangailangan sa typhoon season.
- Latest
- Trending