MANILA, Philippines - Naaksidente ang convoy ni Vice-President Jejomar Binay sa Estados Unidos pero maswerte na walang nasaktan sa entourage nito.
Sa pahayag ng Office of the Vice-President, kinumpirma nitong nasa ligtas na kalagayan si Binay at hindi nasugatan sa insidente dahil lulan siya sa hiwalay na sasakyan matapos na ang mini-van na kanyang sinusundan ay nabangga ng isang pick-up truck dakong alas-8:30 ng umaga (U.S. time). Hindi rin nasugatan ang mga kasamahan ni Binay mula sa naka-banggang van.
Si Binay, tumatayo ring Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Presidential adviser on Overseas Filipino workers’ (OFWs) concerns, ay umalis sa bansa noong Hunyo 3 ng alas-10 ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight PR-102 para sa dalawang linggong pagbisita at pakikipagpulong sa mga matataas na opisyales ng key shelter agencies (KSA) at tingnan ang kalagayan ng mga OFWs sa Estados Unidos.
Ang Bise Presidente ay nasa New York,USA upang makipag-dayalogo sa Filipino communities sa Rockland County, New York City, Washington, Philadelphia at Monterey.
Nakatakda ring dumalo ang Bise Presidente sa flag raising at Independence Day parade sa Hunyo 5 sa New York City; flag raising sa Hunyo 12 sa Washington, at Rizal Day celebration sa Hunyo 17 sa Monterey.
Ayon kay Binay, ang gagawin niyang study program sa US ay isang malaking oportunidad upang makakuha ng kaalaman sa mga eksperto na kanyang iaaplay naman umano sa Pilipinas upang mapaganda ang housing system sa bansa.
Sasailalim si Binay kasama ng mga KSA executives sa Wharton School, University of Pennsylvania mula Hunyo 6 hanggang Hunyo 16.
Ang nasabing programa ay pamamagatang “Housing Finance in a Changing Global Environment,” kung saan tatalakayin dito ang mga may kaugnayan sa housing policies tungong microfinancing para sa pabahay.