'Fire trucks ng Pinoy matibay'
MANILA, Philippines - Matibay at subok na umano sa mga sunog ang mga fire truck na gawang Pinoy.
Tugon ito ng Anos Research Manufacturing sa alegasyon ng Bureau of Fire Protection at Department of Interior and Local Government na mahina ang performances ng Pinoy-made fire trucks nito.
Nabatid na ipinahayag ng BFP na mababa umano ang performances ng Anos fire truck kumpara sa mga imported na power take off o PTO driven trucks na binili pa nuong 1980’s.
Mabagal din umano ang takbo ng Anos Pinoy fire truck sa mga matarik na lugar, at madaling kinakapos ng pressure sa panahong lumalaban ito sa sunog.
Nasa 185 fire truck units ang nabili ng BFP sa Anos Research mula pa noong 2006 hanggang 2010.
Naniniwala si Maria Estrella Anos Garcia, general manager ng Anos Research, ang mga paratang na ito ay naglalayon lang na sirain ang kanilang kredibilidad para mabigyan daan ang kagustuhan ng DILG at BFP na makabili ng imported fire trucks at tuluyang patayin ang lokal na industriya ng fire truck manufacturing.
“Pasado sa technical standards ang lahat ng aming fire trucks na maging ang ibang bansa ay bumilib sa stability at effectivity sa paglaban sa sunog,” ayon pa kay Garcia.
Nakakalungkot din umano na sa halip na tangkilikin ang gawang Pilipino, gaya ng nais ni Pangulong Aquino, hayagan pang pinapaboran ng mismong pamunuan ng DILG ang pagbili ng imported fire trucks.
Matatandaan na sa isang Congressional hearing, ipinahayag din mismo ni BFP Directorate for Logistics, Col. Leonides Perez, na buo at fully operational ang lahat ng 185 fire trucks na nabili nila sa Anos, na kaagad din naman pinuri ng mga mambabatas, na nagpahayag ng suporta sa Filipino-made fire truck.
- Latest
- Trending





















