BANDAR SERI BEGAWAN, Brunei (via PLDT/Smart) - Ipinahiwatig ni Pangulong Aquino na hindi na siya masaya sa performance ni Customs chief Angelito Alvarez.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa mediamen na kasama nito sa 2-day state visit dito, ikinagulat niyang BIR pa ang sumalakay sa mga stalls na nagbebenta ng mga smuggled goods sa 168 Mall sa Divisoria, Maynila.
Wika pa ni PNoy sa ‘coffee with the media’, trabaho ng Customs na bantayan ang mga kontrabando na pumapasok sa bansa pero nakalusot ang mga ito. Nabigo din umano si Alvarez na maabot ang target collections ng BoC sa buwan ng Mayo.
Umugong ang tsismis na isa si Alvarez sa posibleng masibak sa gagawing revamp ni Aquino.
Kabilang sa posibleng pumalit kay Alvarez sina dating BIR chief Liwayway Vinzons-Chato at dating Cagayan Valley Rep. Manuel Mamba na pawang kapartido ni Aquino sa Liberal Party. Umugong din ang pangalan ni dating BoC chief Guillermo Parayno.