MANILA, Philippines - Nakabantay ngayon ang libo-libong residente ng Marikina sa nagaganap na manual recount hinggil sa tunay na naging resulta ng eleksyon sa kanilang lungsod kasunod ng pinalabas na kautusan ng Commission on Election na ilantad kung totoo ba na nagkaroon ng malawakang dayaan at manipulasyon sa resulta ng botohan noong May 10 national at local polls.
Ito ay base sa compliance order ng Comelec First Division na pumapabor sa petisyong inihain sa komisyon laban kay Marikina Mayor Del De Guzman na inakusahang sangkot umano sa manipulasyon ng naging resulta sa nakaraang May 10 election.
Ayon kay dating Marikina Councilor Efren Angeles, posibleng may nakitang probable cause ang Comelec kaya kinatigan ang kahilingan ni Dr. Alfredo Senga Cheng laban kay de Guzman.
Patunay nito, ayon pa kay Angeles, isang cluster precinct ang naglabas ng Zero result noong araw ng eleksyon subalit lumabas sa physical count ngayon sa Comelec ay may 200 mahigit na boto rito.
Lubha rin umanong nakaka-alarma na isang PCOS Machine na naka-assign sa isang presinto na idineklarang defective at duly noted pa ng nakatalagang election officer ay lumalabas sa isinasagawang manual count ay nakapag-transmit ng election report, ani Angeles.