2 bayan sa Zambales nakasunod sa FDP ng DILG
IBA, Zambales, Philippines – Bago pa man ilunsad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “Tapatan Roadshow” noong nakaraang linggo, inanunsyo ng DILG Provincial Office na dalawa sa 13-bayan sa probinsya ang nakasunod na sa kautusan ng ahensya ukol sa Full Disclosure Policy.
Inilunsad ng DILG ang “Tapatan Roadshow on Full Disclosure Policy” sa Clark, Pampanga alinsunod sa panawagan ni President Benigno S. Aquino III na tahakin ang masikip ngunit tuwid na landas ng pagbabago upang bawasan, maiwasan o tuluyang maiwaksi ang katiwalian at kurapsyon sa gobyerno.
Ipinahayag ni DILG Zambales Provincial Director Flordeliza Trinidad na sa kasalukuyan ang bayan ng Iba ay isang first class municipality, at ang 4th class Municipality of San Felipe palang ang mga naunang nakasunod sa panuntunan at direktiba ng ahensya.
Nagpasalamat naman si Iba Mayor Adhebert Deloso sa DILG sa pagpapahalaga ng ahensya sa adhikain ng lokal na pamahalaan na sumunod sa mga alituntunin ng good governance.
Sinabi din nyang ginagawa ng kanyang pamahalaan ang lubos nitong makakaya upang suportahan ang kampanya ng PNoy administration laban sa kurapsyon.
Pursigido ang DILG na ipatupad ang full disclosure campaign para sa local government units sa layuning matupad ang hangarin ng Aquino administration para sa isang gobyernong “Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap”.
- Latest
- Trending