Manila, Philippines - Napaslang ang hostage-taker habang sugatan naman ang dalawang batang hinostage nito at ang sumaklolong pulis sa hostage-drama sa Dau Bus Terminal sa bayan ng Mabalacat, Pampanga kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng Pampanga PNP, bandang alas-2:45 ng hapon nang i-hostage ng suspek na alyas Pedro Brine ang dalawang bata na pasahero sa 5 Star Bus Liner.
Nabatid na biyaheng Pangasinan ang bus na nagsasakay ng mga pasahero nang sunggaban ng suspek na may hawak na patalim ang dalawang bata.
Nagkataon namang sakay ng bus si PO3 Eduardo Santiago ng Laguna Provincial Police Office.
Tinangka ni Santiago na pakalmahin ang suspek na pinakiusapan na huwag saktan ang mga nagi-iyakang bata.
Gayon pa man, habang nakikipagnegosasyon para sa kalayaan ng dalawang bata ay biglang sinaksak ng hostage-taker si Santiago.
Sa kabila ng duguan ay nagawang bunutin ni Santiago ang kaniyang baril at pinaputukan ang nagwawalang hostage taker na duguang bumulagta.
Sinabi ni Cruz na bahagyang sugat lamang ang tinamo ni Santiago at ng dalawang bata habang patuloy naman ang imbestigasyon.