Manila, Philippines - Bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Aquino na walisin ang mga kaskaserong driver sa lansa-ngan, agad binuo ni DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus ang Run After Speed Violators (RASV) na tututok sa mga humahagibis na mga sasakyan partikular sa kahabaan ng Commonwealth Ave., na kinilala ring killer highway kung saan naaksidente at namatay si UP Professor at veteran journalist Chit Estella Simbulan.
Ang RASV ay pamumunuan ni DOTC Undersecretary for Road Transport Dante Velasco kasama si dating LTO Chief at ngayo’y DOTC consultant Alberto Suansing.
Ayon kay Suansing, target din ng RASV kasama ang HPG, LTFRB at DOTC Action center na ikutin ng kanilang grupo ang kahabaan ng Edsa at Quezon Avenue kung saan madalas na nagaganap ang aksidente dahil sa mga kumakaripas na mga sasakyan dito laluna ng mga pampasaherong bus.
Sinabi ni Suansing na mas malakas ang operasyon ng panghuhuli ng RASV tuwing dis-oras ng gabi at madaling araw, ang panahon na maraming bilang ng aksidente ang naiiulat sa mga lansangan.
Mahigpit na pinaiiral ang 60 kph speed limit sa Commonwealth.