Manila, Philippines - Hiniling ng grupong Makabayan Coalition kay Pangulong Aquino na ihinto na ang pag-aangkat ng bigas sa bansa.
Ang hakbang ay giniit ng naturang grupo nang mabuking ang umano’y legalized smuggling ng bigas ng mga pribadong rice traders sa tulong ng National Food Authority (NFA).
Sinabi ni Liza Masa, vice president ng Makabayan, dahil walang pondo ang NFA para sa rice procurement, para na ring ipinaubaya ng gobyerno sa mga profiteers, hoarders at smugglers sa kalakalan ng bigas sa bansa.
Sinasabing nakokorner lamang ng iilang rice importers ang importasyon ng bigas dahil sa mga tiwaling tauhan ng NFA. Masyado umanong bukas sa katiwalian ang rice trading sa bansa dahil 85 percent nito ay kontrolado ng mga pribadong cartels na tumatabo ng kita sa tulong pa ng gobyerno.
Una nang napaulat na natapos na ng NFA ang bidding para sa aangkating bigas ng NFA na may kabuuang 865,000 metriko tonelada.
Ang ginawa ni NFA Administrator Lito Banayo hinggil sa aangkatin bigas ay taliwas naman sa palagiang sinasabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na walang magaganap na rice importation dahil sapat ang suplay ng bigas at kaya ng local farmers na sustinihan ang pangangailangan ng mga Pinoy sa bigas.