MANILA, Philippines - Libong pasahero ang stranded ngayon sa iba’t ibang pantalan sa Bicol Region at Cebu nang kanselahin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paglalayag ng mga motorized banca at barkong nasa 1,000 gross tonnage pababa matapos itaas ang public storm signal 1 bunsod ng bagyong “Bebeng”.
Kinumpirma ni Lt. Commander Algier Ricafrente, tagapagsalita ng PCG, na pinakamaraming na-stranded na pasahero sa pantalan ng Matnog, Sorsogon na umabot sa 784; sinundan ng Pilar na may 150 at Bulan, 116 pasahero.
Bukod pa rito, stranded din ang may 25 pasahero sa Tabaco, Albay; 10 sa Victory at PIO Duran, 65; sa Pasacao, Camarines Sur ay may 25 stranded at Sabang, Camarins Sur na nasa 135; San Andres, Catanduanes, Camarines Norte ay may 37 stranded.
Sa Danao, Cebu ay may 50 ang stranded na pasahero at 10 rolling cargoes.
Nabatid na sa Bicol Region ay umabot sa 15 barko ang hindi pinayagang maglayag, 9 motorized banca na dahilan para ma-standed ang 22 Ro-Ro bus, 19 na kotse at 44 na trucks.