MANILA, Philippines - Patuloy na kumikilos ang bagyong Bebeng sa bahagi ng hilagang silangan ng Borongan, Eastern Samar.
Sa latest report ng PAGASA kahapon ng umaga, ang bagyo ay namataan sa layong 190 kilometro hilagang silangan ng Borongan taglay ang lakas ng hanging 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at kumikilos sa direksiyon ng kanluran hilagang kanluran sa bilis na 13 kilometro kada oras
Inaasahang si Bebeng ay nasa layong 60 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes ngayong Linggo ng gabi at nasa layong 140 kilometro silangan hilagang silangan ng Baler, Aurora sa Lunes ng gabi.
Gayunman, nakataas pa rin ang public storm signal number 1 sa mga lugar ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Masbate, Ticao, Burias islands, Leyte, Samar provinces at Biliran island.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang mga lugar na mag-ingat sa banta ng pagguho ng lupa at pagbaha dahil sa epekto ng ulan na mararanasan dulot ni Bebeng.