MANILA, Philippines - Isang panukalang batas ang isinusulong ng dalawang kongresista sa Kamara para parusahan ang nga mapapatunayang nagbebenta ng ‘botcha’ o double dead na baboy sa mga palengke dahil may P500,000 at dalawang taon kulong ang igagawad sa kanilang parusa.
Sa House bill 4437 na inihain nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao party list Rep. Maximo Rodriguez, gusto nilang amyendahan ang Republic Act 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.
Anila, inutil na ang RA 9296 dahil masyadong mababa ang parusa laban sa mga mahuhuling nagbebenta ng botcha.
Nakasaad sa panukala na mula sa multang P1,000 ay itinaas nila ito sa P50,000 hanggang P500,000 at may isa hanggang dalawang taon pagkakakulong ang parusa.