Merci nagbitiw na!

Manila, Philippines - Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Ombudsman Merceditas Gutierrez nang magsumite ng kanyang personal letter of resignation kay Pa­ngulong Noynoy Aquino kahapon, 10 araw bago simulan ang impeachment proceedings laban sa kanya sa Senado.

Bandang alas-10:30 kahapon ng umaga ng personal na ibigay ni Gutierrez ang kanyang 1-page resignation letter kay Pangulong Aquino sa Palasyo.

Nakangiti namang tinanggap ng Pangulo ang pagbibitiw ni Gutierrez na epektibo sa Mayo 6, 2011. Nag-usap sandali ang da­lawa at saka nagkamay. 

Wika ni PNoy, maiiwasan na rin ang pagkahati-hati ng taumbayan at maitutuon na ng Kongreso sa mas mahalagang bagay ang kanilang oras kaysa litisin si Gutierrez.

Sinabi naman ni Gutierrez sa isang press conference na walang nag-pressure sa kanya at walang nag-udyok na siya ay magbitiw at ang kanyang ginawa ay para sa interes ng taumbayan, ng kanyang pamilya at institusyon ng Ombudsman at hindi dahil natakot siyang harapin ang impeachment nito.

“It is in accordance with these principles that I have strived and persevered to build and maintain an unblemished record in public service. For me, this is the greatest and lasting legacy that I can leave my family, my children and my children’s children,” pahayag ni Gutierrez.

Iginiit din ni Gutierrez na ang kanyang loyalty ay hindi kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagtalaga sa kanya sa Ombudsman kundi sa taumbayan.

Sinabi din niya na ang isang Pangulo ng bansa ay dapat na may complete trust sa Ombudsman at hindi rin sumasama ang loob sa kanyang mga detractors

Handa rin niyang ha­rapin ang mga kasong ihaharap sa kanya upang linisin ang kanyang pangalan matapos ang mahigit ilang dekadang paglilingkod sa gobyerno.

Aniya, napag-isipan niya ang pagbibitiw matapos siyang magnilay at magdasal nitong Semana Santa.

Si Gutierrez ay takda sanang magretiro sa Dis­yembre 2012.

Sa kanyang pagbibi­tiw, nabalewala na ang impeachment case na naisampa laban sa kanya sa Kongreso. 

Nakatakda sanang simulan ang impeachment proceedings laban kay Gutierrez sa Senado na magsisilbing impeachment court sa Mayo 9.

Hiniling na ng Pangulo sa Judicial and Bar Council (JBC) ang paghahanap ng magiging kapalit ni Gutierrez sa Ombudsman.

Show comments