Parusa sa bagets na 'tulak' ipapasa sa magulang
MANILA, Philippines - Dahil madalas na ginagamit ang mga menor de edad sa pagtutulak ng droga, nais ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipasa sa mga magulang nito ang parusa bunga ng kapabayaan.
Ayon sa PDEA, 80 porsiyento umano sa mga nahuhuli nila sa kanilang drug operation ay hindi nila masampahan ng kaso dahil sa umiiral na juvenile justice law.
Ayon kay PDEA Metro Manila Regional Office Director Wilkins Villanueva, kadalasan sa kanilang operasyon ay nakakalusot ang mga nasa drug watch list, dahil ang mga menor de edad ang ginagawang pain para sa pagbebenta o pagtutulak ng droga.
Kaya upang magkaroon ng sustansya ang kanilang mga operasyon, imumungkahi nila sa kinauukulan na gawing may kasalanan ang mga magulang ng batang sangkot sa pagtutulak ng droga para hindi ito mabalewala.
Naniniwala si Villanueva na hindi alam ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak kaya nararapat itong ipatupad.
Kasong possession of illegal drugs na walang piyansa ang kakaharapin ng mga magulang sa sandaling maipasa ito.
Bukod dito, kumpleto na anya ang PDEA sa mga datos para sa mga batang tulak na siya ngayong ilalatag nila kay DILG Sec. Jesse Robredo para sa pagpapababa sa 15 taong gulang ang edad na maaring makasuhan.
- Latest
- Trending