MANILA, Philippines - Bawal ang tattoo, mga sundalo kayo!
Ito ang mahigpit na tagubilin ni Navy Flag Officer in Command Rear Admiral Alexander Pama sa may 1,500 opisyal at tauhan ng Philippine Navy at Philippine Marine Corps na may tattoo.
Sa panayam, sinabi ni Navy Spokesman Col. Omar Tonsay, paglabag sa regulasyon ng mga sundalo ang magpa-tattoo kaya nais ni Pama na alisin na ang mga naka-imprentang tatak sa katawan ng magigiting nilang mga sundalo lalo na ang mga combat officer at mga personnel.
“ First of all, you cannot donate blood, you are eligible if you have tattoo marks on your body, it’s selfless, we are combat officers and we are soldiers,” punto ni Tonsay na sinabing hindi sagisag ng pagiging macho at warrior ang tattoo kaya dapat lang na alisin na ito.
Sinabi ni Tonsay na bahagi ng disiplinang nais ipatupad ni Pama ang pagsisimulang magtanggal ng tattoo sa hanay ng Philippine Navy at maging sa fighting force nila sa Philippine Marines .
“Ang pangit tingnan na kung mage-exercise sila, naka-short ay nakadisplay pa ang mga tattoo sa binti at braso,” ani Tonsay.
Ang pagtatanggal ng tattoo sa mga opisyal at miyembro ng hukbong dagat ay nasa memorandum na inisyu ni dating Navy Chief ret. Rear Admiral Danilo Cortez na nagretiro noong Enero ng taong ito na nais iimplementa ni Pama matapos itong hindi mapagtuunan ng pansin.
Wala anyang dapat ikatakot ang mga magpapatanggal ng tattoo dahil gagamitan ito ng laser at ang gastusin ay tinatayang aabot ng hanggang P15,000 bawat isa depende sa laki ng tattoo sa katawan.
Sinabi naman ng sources sa Navy, kabilang sa mga naunang nagpatanggal ng tattoo ay may ranggong 2 star general mula sa Marines habang ang iba pa ay mga Navy captain.
Iinspeksyunin mismo ni Pama kung natanggal na ang tattoo ng naturang mga opisyal at miyembro ng hukbo at bawal magpa-enlist kung may tattoo ang mga ito.