Whistleblowers sa AFP mananagot sa batas!
MANILA, Philippines - “Not yet off the hook!”
Ito ang mariing patutsada kahapon ng bagong luklok na si AFP-Civil Relations Service (AFP-CRS) Chief Brig. Gen. Eduardo del Rosario kaugnay ng paglutang ng mga ‘whistleblowers’ sa malawakang korapsyon sa organisasyon ng militar gayung mismong ang mga ito ay nagpakasasa at direktang sangkot rin sa iregularidad.
Nangunguna sa mga tinutukoy ni del Rosario si dating AFP Budget Officer ret. Col. George Rabusa na umamin mismo sa imbestigasyon ng Senado na nakinabang ng P50M sa kinurakot na pondo ng AFP.
Si Rabusa ang nagbulgar sa Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa pasalubong at pabaon system para sa mga nagretirong dating AFP Chief of Staff.
Sa kaniyang assumption speech, sinabi ni del Rosario na mistulang dinaig pa ang mga nakamaskarang mga bayani ng naturang mga ‘whisteblowers’ na pinoprotektahan lamang ang kanilang mga sarili sa kanilang mga nagawang kasalanan sa bayan.
Si del Rosario ay siyang humalili sa puwesto kay Brig. Gen. Jose Mabanta na natalaga naman bilang AFP-Deputy Chief of Staff for Operations (J3) kung saan iginiit nito na maging ang bagong liderato ng militar ay nais ring mabatid ang katotohanan.
“Those who will be found guilty must be punished to the full extent of the law. However, some have observed that the alleged whistle blowers are now coming out just to protect themselves. But if they will surrender first everything that they have stolen, and then make a confession in congress or in court, only then that we can be assured of fair, honest and sincere dispensation of justice,” giit pa nito .
Si Rabusa ang nag-akusa sa nag-suicide na si dating Defense Chief at AFP Chief of Staff ret. Gen. Angelo Reyes ng pagtanggap umano ng mahigit P100M sa panahon ng termino nito.
Sinampahan din ni Rabusa ng kasong plunder sina dating AFP Chief ret. Gens. Diomedio Villanueva, Roy Cimatu at Efren Abu gayundin ang 14 iba pa kabilang sina dating AFP Comptroller ret. Major Gen. Carlos Garcia at ret. Lt. Gen. Jacinto Ligot na nakinabang umano sa pabaon at pasalubong.
Sinabi pa ng opisyal na unfair at hindi patas ang Pulse Asia survey hinggil sa maraming mga Pinoy ang naniniwalang ang AFP ang pinaka-numero uno sa korapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
“The alleged sins of corruption by a few ranking military officers and their accomplices that happened a decade ago, is not the sin of today of about 125,000 soldiers who are honorably rendering their services nationwide,” ayon pa kay del Rosario na iginiit na nakaka-demoralisa sa kanilang hanay ang naturang isyu.
- Latest
- Trending