BSP may pabaon din?

MANILA, Philippines - Maging sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay may nagaganap umanong “pabaon system” sa mga nagsisilbing mataas na opisyal sa nasabing tanggapan.

Ito ang pagbubunyag ni Atty. Harry Roque, kasunod nang pagkakatuklas ng ilang kwestiyonable umanong alokasyon sa pondo ng ahensya na nagkakahalaga ng bilyong piso.

 Ayon kay Atty. Roque, abogado ng Banco Filipino, hindi bababa sa P50 milyon ang halaga ng pabaon na tinatanggap umano ng ilang matataas na opisyal ng BSP.

Bukod daw umano kasi sa P10-bilyon na alokasyon para sa sahod ng mga opisyal at empleyado ng BSP, taun-taon may inilalaan din umano ang ahensya na P1.2 bilyon para sa kanilang post retirement benefit.

Naghihinala si Roque na matagal nang umiiral ang ganuong sistema sa BSP dahil wala naman umanong nangahas na pumuntirya at nag-imbestiga sa pondo nito.

“Mukhang continuing racket po ito, pero kung maaalala niyo po ito po ang dahilan kung bakit nalugi iyong naunang central bank at kinakailangan tayong gumawa ng bagong batas para magkaruon ng  Bangko Sentral dahil naubos nga ang pondo nitong naunang central bank,” ayon kay Roque.

Ibinunyag pa ni Roque ang mahigit kalahating bilyong piso o kabuuang P543 milyon na travel expenses ng BSP, P181 milyon bilang bayad sa consultancy fee at P832 milyon na inilaan para sa mga unspecified expenses.

Sinabi ni Roque na plano niyang idulog sa Senado ang natuklasan niyang umano’y pag-abuso sa pondo ng BSP para maimbestigahan, gayundin sa Tanggapan ng Ombudsman kapag napalitan na ang namumuno dito.

Show comments