MANILA, Philippines - Matapos ang Semana Santa, bubulaga sa mga motorista ang pagtaas sa singil sa toll fee sa Skyway makaraang matapos ang ekstensyon nito mula Bicutan hanggang Alabang.
Ito’y matapos na aprubahan na ng Toll Regulatory Board ang panukalang dagdag-singil sa toll fee ng Metro Manila Tollways Corporation, ang namamahala sa Skyway.
Simula Abril 25, tataas ang singil sa “elevated class 1” ng P44 mula Makati hanggang Bicutan, P41 Bicutan-Sucat, P41 mula Sucat-Alabang o kabuuang P147.
Sa mga “Graded vehicles”, sisingil ang Skyway ng P65 mula Magallanes-Bicutan, P31 mula Bicutan-Sucat, P31 mula Sucat-Alabang o kabuuang P106.
Nilinaw ng Skyway na hindi nila itinapat sa Semana Santa ang pagtataas sa singil sa toll upang hindi mabigatan ang mga motorista dahil sa inaasahan nilang pagdagsa ng mga lalabas ng Metro Manila tungo sa mga bakasyunan sa Timog Katagalugan at muling babalik pagkatapos ng Holy Week.
Inihayag rin naman ng TRB ang pagtaas sa singil sa Coastal Road Extension ng South Luzon Expressway mula Mayo 1.Ê Aakyat sa P58 ang singil sa Class 1 na behikulo, P116 sa Class 2 at P174 sa Class 3.