MANILA, Philippines - Nagbigay ng “marching order” si Lakas-party President Sen. Bong Revilla sa mga miyembro ng oposisyon sa Kamara para birahin at labanan ang ginagawang panggigipit umano ng administrasyon Aquino sa mga kapartido nila.
Sinabi ni House deputy minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez sa isang pulong balitaan kahapon ng umaga, halata naman umanong “witch hunting” ang ibinabatong isyu sa kanilang mga kaalyadong sina Ang Galing Pinoy Partylist Rep. Mikey Arroyo at kay LWUA administrator Butch Pichay na dating kinatawan ng Surigao at kaalyado nila sa partido.
May tatlong resolusyon ang sinasabing isasampa ng minorya para imbestigahan ang mga isyu na nakakaalarma at nakakasira para sa kanilang mga kaalyado kaya magpapatawag sila ng isang congressional inquiry.
Sabi ni Suarez, pinalulutang ang kasong tax evasion ni Arroyo at kaso ni Pichay para hindi mapansin ng mamamayan ang pagbagsak ng popularity rating ni Aquino at hindi pagtugon sa mga nangyayaring problema sa bansa tulad ng pagtaas sa presyo ng langis, petroleum products, kuryente at pamasahe sa mga pampublikong sasakyan na nagiging dahilan ng pagka-inis ng mamamayan sa gobyerno. (Butch Quejada/Gemma Garcia)