3 ex-AFP chiefs tinuluyan sa plunder
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder sa Department of Justice (DOJ) ni dating military budget officer George Rabusa ang tatlong naging hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa “pabaon“ system sa militar.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating AFP chiefs of staffs Diomedio Villanueva, Roy Cimatu at Efren Abu. Dawit din sina dating AFP Comptrollers Jacinto Ligot at Carlos Garcia; dating AFP Intelligence Service Officer Divina Cabrera at ilang auditor ng Commission on Audit (CoA). Nabatid na umaabot sa 17 respondents ang kasama sa plunder case.
Ayon kay Rabusa, nagbunga din ang kanyang ibinulgar sa Senado sa loob ng tatlong buwan. Aniya, suportado niya ang programa ni Pangulong Aquino laban sa katiwalian.
Sinabi ni Rabusa na ang kanyang complaint affidavit ang siyang pagbabasehan ng DoJ upang magsagawa ng preliminary investigation sa nabunyag na anomalya sa AFP.
Ibinunyag pa ni Rabusa kung paano nagaganap ang conversion ng soldiers’ funds para sa “pasalubong” at “pabaon” sa mga hepe ng AFP.
Tiniyak din ni Rabusa na tatapusin niya ang kaso at iba ang kanyang mga ipiprisintang ebidensiya sa DOJ at sa Senado.
Kaugnay nito’y sinabi pa ni Rabusa na kabilang sana si dating Defense Secretary Angelo Reyes sa kanyang mga kakasuhan, subalit dahil yumao na ang heneral kaya’t wala na umanong dahilan upang isama pa niya sa kaso ang opisyal.
Una nang iginiit ni Rabusa na hindi malalabag ang tinatawag na “double jeopardy clause” sa paghahain nito ng bagong plunder case laban kay Garcia, dahil bukod sa mga bagong ebidensiya, bago rin umano ang kanilang mga ilalahad na testimonya para sa naturang usapin.
Matatandaang si Garcia ay pumasok sa isang plea bargaining agreement para sa kanyang plunder na nakahain sa Sandiganbayan.
- Latest
- Trending