MANILA, Philippines - May 55 Pinoy na nasa 100-km radius mula sa Fukushima Dai-ichi Nuclear Power Plant ang nagpahayag ng kanilang kahandaang umuwi sa Pilipinas bilang bahagi ng mandatory repatriation ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa report ng Phl Embassy sa Tokyo sa DFA, naglagay na ng isang ‘rendezvous area’ ang embahada sa Omiya, Saitama Prefecture upang dito iproseso ang mga travel documents ng mga Pinoy na nagnanais na umuwi.
Target ng DFA na mapauwi ang mga Pinoy sa Abril 17 kung saan uupa ang pamahalaan ng isang chartered plane na nagkakahalaga ng may $200,000.
Aminado naman si DFA Sec. Alberto del Rosario na bagaman pinatutupad na ang mandatory o force evacuation sa may 50-km radius ay hindi pa rin mapipilit o mapupuwersa ng pamahalaan ang mga Pinoy na ayaw umuwi dahil sa hindi maiwang asawa, pamilya o kabuhayan sa Japan.